--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang babaeng pasahero habang nasugatan ang limang iba pa sa banggaan ng tatlong sasakyan sa National Highway na bahagi ng Purok Saranay, Brgy. Batal, Santiago City.

Ang nasawi ay ang pasahero ng tricycle na si Gng. Mary Ann Austria Dela Cruz na residente ng Dubinan West, lungsod ng Santiago.

Ang mga nasugatan naman ay ang driver ng Nissan Sedan na si Joel Villanueva, 50 anyos may-asawa; tsuper ng tricycle na si Fernando Dela Cruz Jr, 44 snyod, may-asawa, at residente ng Dubinan West, Santiago City.

Nasugatan din ang driver ng Honda TMX tricycle na si Fernando Panganiban, 49 anyos, may-asawa, construction worker at residente ng Brgy. Gucab, Echague, Isabela

--Ads--

Sugatan din ang dalawang pasahero ng TMX tricycle na sina Remedios Panganiban, 47 anyos, may-asawa, vendor, at ang anak nito na si Queen Maycee Panganiban, 9 anyos , kapwa residente ng Gucab, Echague, Isabela .

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan patungong hilagang direksyon ang Nissan Sedan habang ang dalawang tricycle ay patungong Centro ng lungsod ng Santiago.

Nang makarating ang tatlong sasakyan sa Purok Saranay Brgy. Batal, ay bigla umanong umagaw ng linya ang kotse at nasalpok nito ang dalawang magkasunod na tricycle.

Sa lakas ng salpukan ay nawasak ang harapan ng kotse at tumalsik at naipit naman ang sakay ng mga tricycle.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay ng tatlong sasakyan, at agad dinala sa pagamutan subalit idineklara nang dead on arrival si Ginang Dela Cruz ng kanyang attending physician.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga kasapi ng Traffic Enforcement Unit, sa kung anong dahilan nang pang-aagaw ng kotse sa linya ng mga tricycle.

Posible namang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injury and multiple damage to property ang tsuper ng kotse.

Kasalukuyan namang inoobserbahan ang mga sugatan sa Southern Isabela Medical Center sa lungsod ng Santiago.