Pansamantalang ipinasara ng Archdiocese of Ozamis ang Parish Church of St. John the Baptist sa bayan ng Jimenez, Misamis Occidental matapos umanong lapastanganin ng isang babaeng vlogger ang holy water sa loob ng simbahan.
Ayon sa ulat, ang 28-anyos na vlogger ay umano’y dumura sa holy water font habang nagvivideo para sa kanyang vlog noong Linggo.
May tinatayang 115,000 followers ang vlogger na kilala sa paggawa ng nakakatawang content. Matapos ang insidente ay agad ding binura ng vlogger ang malisyosong video dahil umani ito ng batikos mula sa mga mananampalataya.
Tinuligsa ni Archbishop Martin Sarmiento Jumoad ang insidente bilang isang paglapastangan sa kabanalan ng mga sagradong bagay.
Bilang tugon, iniutos niya ang pansamantalang pagsasara ng simbahan hanggang maisagawa ang pastoral assessment and acts of penance.
Isasagawa ang Holy Hour of Adoration at Solemn Confessions sa darating na Agosto 7, alas-3 ng hapon bilang bahagi ng panunumbalik at paghingi ng kapatawaran.
Pinaalalahanan ng archdiocese ang publiko na igalang ang mga sagradong bagay at lugar ng pagsamba.





