--Ads--

Isang alagang baboy sa Illinois ang opisyal nang kinilala ng Guinness World Records matapos nitong maipakita ang pambihirang galing sa skateboarding.

Ang baboy na si Norbert mula sa Buffalo Grove ay nakapagtala ng record para sa pinakamabilis na pag-abot sa 10 metro habang nagtutulak ng skateboard, natapos niya ang distansya sa loob ng 11.32 segundo.

Ayon sa nag-aalaga kay Norbert na si Vincent Baran, aksidente niyang natuklasan ang talento nito nang makita niya ang kanyang lumang skateboard. Kinuha niya ang board at sinubukan si Norbert dito, at sa loob ng 15 minuto, nakabalanse na ang baboy sa skateboard gamit ang unsalted peanuts bilang gantimpala.

Matapos ang ilang sesyon ng pagsasanay, natutunan ni Norbert na itulak ang sarili habang nakatapak sa skateboard sa kalsada. Ngayon, ang 175-pound na baboy ay tila natural na sa board at gustung-gusto na ipakita ang kanyang kakayahan.

--Ads--

Dahil sa kanyang galing, nabansagan si Norbert bilang Tony Pork bilang pagbibigay-pugay sa legendary skateboarder na si Tony Hawk.