CAUAYAN CITY – Binigyang-diin ni DOLE Sec. Silvestre ‘Bebot’ Bello at chief negotiator ng pamahalaan na kinakailangan na ang pag-uusap kahit back channel talks lamang upang hindi maunsyami ang inaasam na pagkakaroon ng kasunduang pangkapayapaan.
Ito ay kaugnay na rin sa sunod-sunod na opensiba ng tropa ng pamahalaan at mandirigma ng New People’s Army o NPA.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Kalihim Bello na ang magaganap na pag-uusap ay hindi pormal at ito ay pangungunahan lamang ng kanyang katapat na si Fidel Agcaoili at ilang mga staff na kasapi ng magkabilang panel.
Naniniwala ang opisyal na sa pamamagitan ng back channeling talks ay isang paraan para mas mapabilis ang pormal na pag-uusap sa mga susunod na panahon.
Sinabi ni kalihim Bello na kabilang sa mga pangunahing pag-uusapan ay ang posibleng pagdedeklara ng unilateral ceasefire sa magkabilang panig.
Sa kabila na rin ito ng sinabi ni Pangulong Duterte na walang maagaganap na peace talks o usapang pangkapayapaan hanggat hindi itinitigil ng komunistang grupo ang paghingi ng revolutionary tax.




