Patay ang isang backhoe operator matapos na pagtatagain ng kaniyang mga nakaalitan sa Barangay Digumased, Dinapigue, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Jeffrey Salmasan ang Operation PCO ng Dinapigue Police Station sinabi niya na madaling araw ng maganap ang insidente kung saan ang biktima ay si Christian John Sedon na residente ng Gamu, Isabela at isang backhoe operator.
Sa kanilang pagsisiyasat nagtungo ang biktima kasama ang kaniyang mga kasamahan sa isang bahay kainan kung saan nakaalitan ng kaniyang kasama ang grupo ng may-ari ng bahay kainan kaya sila nagsuntukan.
Sinubukan namang tumakbo ng biktima at mga kasama niya subalit naabutan ng suspek at isa pa nitong kasama ang biktima saka pinagtataga sa ulo at katawan.
Batay sa saksi nag-ugat ang hindi pagkakaunawaan matapos umanong magbitbit ng baril sa loob ng bahay kainan ang isa sa mga kasama ng biktima.
Agad nilang tinakbo sa pagamutan ang biktima subalit agad ding binawian ng buhay makalipas ang ilang oras.
Nadakip naman ng Dinapigue Police Station ang dalawang suspek at sasampahan narin ng kasong homicide.