
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na mahulog ang sinasakyan nitong motorsiklo at malunod sa isang tubigan sa gilid ng kalsada na bahagi ng Alicia-San Mateo Road sa Brgy. San Pedro, Alicia, Isabela.
Ang bikitima ay ang angkas ng motorsiklo na si Mark Allen Cruz, dalawampu’t walong taong gulang, binata, self-employed, at residente ng Dagupan, San Mateo, Isabela.
Nasa maayos namang kondisyon ang tsuper ng motorsiklo na si Vien Rheizel Gagarin, dalawampu’t walong taong gulang, binata at residente ng Brgy. Uno, San Mateo, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Alicia Police Station, galing ang dalawa sa Bancheto sa Echague, Isabela at sila ay nakipag-inuman sa iba pa nilang kaibigan.
Pasado alas otso ng gabi nang magdesisyon silang umuwi patungo sa bayan ng San Mateo sakay ng isang motorsiklo.
Ayon sa pulisya habang binabagtas ng motorsiklo ang kalsada partikular sa bahagi ng Brgy. San Pedro sa bayan ng Alicia ay bahagya umanong lumingon ang tsuper sa kanyang angkas at nang ibalik nito ang kanyang pansin sa harapan ay wala na ang motorsiklo sa sementadong kalsada at nasa damuhan na sa gilid ng kalsada.
Nawalan ng kontrol ang tsuper at natumba ang motorsiklo pagkatapos ay nahulog sa gilid ng kalsada.
Ayon umano kay Gagarin pagkatapos matumba ang motorsiklo ay hindi na niya nakita ang kanyang angkas kaya sumigaw na siya upang humingi ng tulong subalit wala umanong mga residente na nakakarinig sa kanya.
Dahil dito ay nagdesisyon si Gagarin na umuwi sa San Mateo, Isabela upang humingi ng tulong sa kanyang mga magulang at iba pang kasamahan, pagkatapos ay bumalik sila sa pinangyarihan ng aksidente subalit nabigo rin silang makita ang biktima.
Dito na ipinaalam ng tsuper ang pangyayari sa San Mateo Police Station na nagparating naman ng impormasyon sa Alicia Police Station.
Pasado alas siyete na ng umaga nang makita ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa tubigan sa gilid ng kalsada.
Hinala ng pulisya posibleng hindi nakaalis sa tubigan ang biktima matapos itong mapunta sa lugar nang matumba ang kanilang motorsiklo.
Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide na isasampa laban kay Gagarin.
Hinihintay naman ng pulisya ang pag-uusap ng dalawang panig.










