Ninakaw ang bag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa isang kainan sa Roxas Boulevard, Pasay City, nitong martes ng tanghali, Agosto 19.
Ayon kay Garcia, nadiskubre niyang nawawala na ang dala niyang bag habang nasa loob pa siya ng nasabing restaurant.
Wala raw siyang naramdaman habang ninanakaw ito ng mga suspek.
Kasama sa natangay ang ilang cash, cellphone, ATM cards, at iba’t ibang identification cards, kabilang na ang kanyang Comelec ID.
Batay sa kuha ng CCTV, isang grupo ng sindikato ang itinuturong nasa likod ng insidente.
Matapos ang pangyayari, agad na nagtungo si Garcia sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang ipablotter ang naturang pagnanakaw.
Sinabi nito na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik ang mga gamit na nawala sa kanya.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operation ang mga awtoridad kaugnay ng insidente.











