--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagkaisa sina Nueva Vizcaya Governor Atty. Jose V. Gambito at Retired General Thompson Lantion, pangulo ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP)—ang partidong politikal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.—para itulak ang muling pagbubukas ng Bagabag Airport.

Personal na bumisita si Gen. Lantion sa tanggapan ni Gov. Gambito upang ipahayag ang kanyang suporta sa proyekto. Kasama si Bagabag Mayor Benigno Calauad, ininspeksyon muna ni Lantion ang kasalukuyang kalagayan ng paliparan.

Ayon kay Lantion, nagsimula na siya ng pag-uusap kay DOTr Secretary Vince Dizon hinggil sa rehabilitasyon ng Bagabag Airport, at positibo umano ang tugon ni Kalihim Dizon. Ipinaplano ang isang pagpupulong sa susunod na buwan kasama sina Gov. Gambito, Mayor Calauad, at Congressman Timothy Cayton upang talakayin ang mga konkretong hakbang para sa reaktibasyon ng paliparan.

Tampok sa inaugural speech ni Gov. Gambito ang pagbubukas ng Bagabag Airport bilang bahagi ng kanyang prayoridad, layuning pasiglahin ang turismo at ekonomiya ng Nueva Vizcaya.

--Ads--

Matatandaang noong panahon ni Gen. Lantion bilang Undersecretary ng DOTC, nakapaglaan siya ng ₱10 milyon para sa pagpapabuti ng Bagabag Airport.

Naniniwala sina Gov. Gambito at Gen. Lantion na ang muling pag-operate ng Bagabag Airport ay magdadala ng panibagong sigla sa lokal na ekonomiya at turismo hindi lamang sa Nueva Vizcaya kundi pati sa mga kalapit-probinsya gaya ng Quirino at Ifugao, lalo na sa mga kilalang destinasyon tulad ng Banaue Rice Terraces.