Bumigay ang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge dakong mga alas otso ngayong gabi.
Ang naturang tulay ay kakakumpleto pa lamang ng konstruksyon, at hindi pa gaanong nagagamit ng publiko bago ang insidente.
Isa sa mga agaw-pansin na disenyo ng tulay ay ang Arches nito na hindi lamang dinisenyo para sa pisikal nitong ganda kundi nakatutulong din sa pagpapatibay sa tulay para sa kaligtasan ng mga dadaan dito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Gov. Rodito Albano, sinabi niya na ang bumagsak ay ang span na nasa bahagi na ng Cabagan Isabela dahil sa dalawang dump truck na sabay na dumaan sa tulay.
Nailigtas naman ng mga rescuers ang tsuper ng isang motor na nadamay sa pagbagsak ng tulay.
Kaagad naman itong isinugod sa pagamutan upang lapatan ng agarang lunas.
Matatandaang binuksan sa mga motorista ang nasabing tulay nitong Pebrero kung saan nagsagawa muna umano ng retrofitting ang DPWH at mga contractor nito dahil gumalaw ang bahagi ng tulay.
Ayon kay Gov. Albano, iconic ang nasabing tulay dahil sa arkong design nito na maaring isa sa naging dahilan ng pagbagsak ng bahagi ng tulay dahil sa bigat nito.
Ang nasabing tulay ay may habang 720 meter na magko-konekta sa bayan ng Cabagan at Sta. Maria.
Umabot naman sa 639.6 Million pesos ang inilaan na pondo para sa tulay na sinimulan ang konstruksyon noon pang 2018.
Ayon sa DPWH Region 2, medyo natagalan ang konstruksyon nito dahil nakita nila na hindi akma ang disenyo nito sa istruktura ng tulay kaya kumunsulta muna sila sa mga eksperto para masiguro na ito ay matibay.