Inanunsyo at ipinabatid sa publiko ng Alkalde ng Cauayan City ang planong pagpapatayo ng bagong City Hall sa lungsod.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na ang proyekto ay pangmatagalang plano na posibleng abutin ng isa hanggang dalawang dekada. Gayunpaman, sa ngayon pa lamang ay mayroong nag-donate ng 50 ektaryang lupain sa Barangay San Luis, na siyang itatayuang lokasyon ng bagong City Hall.
Pinangalanan ng alkalde ang nag-donate ng lupa sa pangalang RSA, na matagal na umanong kaibigan ng lungsod.
Ayon sa alkalde, magiging mas maginhawa ang bagong City Hall para sa mga residente ng Forest Region, dahil hindi na nila kailangang bumiyahe pa patungong Poblacion area para lamang asikasuhin ang mga kinakailangang dokumento.
Nilinaw rin niya na mananatili ang kasalukuyang City Hall sa Poblacion, ngunit ito ay magsisilbi na lamang bilang satellite office.
Dagdag pa ng alkalde, hindi lamang City Hall ang itatayo sa bagong lugar kundi pati ang isang City Arena at Bamboo Center.
Ayon pa sa kanya, magiging mas madali ang pagpunta sa lugar dahil kasalukuyan nang inaayos ang all-weather bridge sa pagitan ng Cabaruan at Mabantad na magsisilbing daan patungong Forest Region.
Sa kasalukuyan, tiwala ang alkalde na matutuloy ang proyekto, anuman ang maging administrasyon sa hinaharap.











