CAUAYAN CITY – Natuklasan ng DA Region 2 sa Rehiyon Dos ang bagong fall armyworm na nananalasa sa mga pananim na palay.
Taong 2019 nang unang madiskubre ang fall armyworm sa mga tanim na mais sa rehiyon dos ngunit ngayon ay mayroon nang nananalasa sa mga ito sa mga tanim na palay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Science Research Specialist Mindaflor Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na may naireport sa kanilang tanggapan tungkol sa mga peste na naninira sa kabuuang apat na ektaryang seedbed ng palay sa bahagi ng Gonzaga Cagayan.
Napag alaman na ang mga naninirang peste ay mga fall armyworm o FAW na unang natuklasan sa mga mais.
Aniya kamukha ng nasabing armyworm ang umaatake ngayon sa apat na ektaryang seedbeds sa Brgy Pateng, Gonzaga, Cagayan.
Ayon kay Aquino unang pagkakataon ito na makakita sila ng FAW sa mga tanim na palay.
Nagpasalamat naman ang DA Region 2 dahil agad na sinabi ng mga magsasaka ang kanilang nakitang peste sa mga seedbeds dahil mas madali itong mapuksa kung sa seedbeds pa lamang umaatake ang mga ito.
Maaring kumain ng ibat ibang klase ng pananim ang mga fall armyworm.
Paalala ngayon ng DA Region 2 kapag may napansing FAW ang mga magsasaka sa kanilang seedbeds ay panatilihing may tubig ito upang hindi kaagad masira ang pananim
Napansin ng Kagawaran sa Bahagi ng Gonzaga Cagayan na may tubig ang mga apektadong seedbeds ngunit dahil may tubig ang mga ito ay tanging mga dahon lamang ng palay ang nakain ng mga peste.
Magrerekomenda naman ang DA ng mga insecticide bilang pamatay sa mga nasabing peste.
Ayon pa kay Senior Science Research Specialist Aquino, kapag napabayaan ito ay malaking lugi na naman sa mga magsasaka ng palay lalo pa at maramihan ang pag atake ng mga ito at madaling lumipat ng lugar.