CAUAYAN CITY-Nakatakdang buksan pansamantala sa publiko ang mga bagong gawa na kalsada sa Diadi, Nueva Vizcaya upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lugar.
Matatandaan ilang araw nang nararanasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa bayan ng Diadi dahil sa mga ongoing road constructions.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na ika-20 ng Disyembre ay maaari nang daanan pansamantala ang mga bagong gawang kalsada at sa ngayon ay inaantay na lamang na matapos ang ilang araw na curing period nito.
Ito aniya ay bilang konsiderasyon sa holiday season ngunit pagsapit ng Enero 5 sa susunod na taon ay muling ipagpapatuloy ang road construction.
Simula aniya nang magpalabas sila ng apat na alternate route ay naging light to moderate na lamang ang traffic condition doon na mayroong 15-30 minutes na interval dahil nagpapatuloy pa rin ang “Stop and Go” Scheme.
Ngunit tuwing sumasapit ang alas saisng gabi hanggang hatinggabi ay muling nararanasan ang heavy traffic dahil maraming mga pampasaherong bus at trucks ang bumabaybay sa naturang kalsada sa mga ganoong oras kaya naman umaabot higit isang oras ang aantayin bago makausad ang mga sasakyan.
Maliban sa bayan ng Diadi ay tinututukan din nila ang bayan ng Sta Fe at Bambang na mayroon ding ongoing road construction ngunit hindi naman malala ang traffic na nararanasan sa naturang mga lugar.