--Ads--

Pinasinayaan ngayong araw, Marso 27 ang bagong Gender and Development (GAD) Research Learning Center sa Isabela State University Main Campus sa Echague, Isabela.

Layunin ng pasilidad na magsilbing sentro ng kaalaman, pananaliksik, at pagsasanay sa larangan ng Gender and Development, hindi lamang para sa mga estudyante kundi para sa buong komunidad sa rehiyon. Inaasahan itong magiging pangunahing daluyan ng impormasyon, kapasidad, at mga inisyatiba na magtataguyod ng pagkakapantay-pantay at pagpapalakas sa kababaihan at iba pang marginalized groups.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Virginia Bilgera, Regional Director ng DOST Region 2, sinabi niya na mahalaga ang pagtatatag ng nasabing pasilidad dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga estudyante, guro, at komunidad na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa GAD concepts, pati na rin sa mga programang pang-agham at teknolohiya na may kaugnayan sa empowerment ng kababaihan at iba pang sektor.

Dagdag pa niya, magsisilbi rin itong training hub at research facility na magpapalakas sa mga lokal na proyekto at polisiya na tumutugon sa mga isyu ng gender equality, social inclusion, at community development.

--Ads--

Inaasahan na sa pamamagitan ng nasabing sentro, mas marami pang makabagong pananaliksik, workshop, at seminar ang maipatutupad, na maghihikayat sa mga kabataan at miyembro ng komunidad na maging aktibong kalahok sa pagtataguyod ng gender-responsive development sa rehiyon.