--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi pa rin makapaniwala ang Rank 1 sa katatapos na Geodetic Engineers Licensure Examination na siya ang nanguna sa naturang board exam.

Siya ay si Hannah Guimbongan na mula sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Guimbongan, sinabi niya na hiniling lamang niya ang makapasa sa board exam ngunit labis umano ang ipinagkaloob sa kaniya ng panginoon.

Inabangan umano talaga niya ang resulta ng pagsusulit kaya naman napaiyak umano siya sa tuwa nang makita nito na kabilang siya sa mga topnotcher at rank 1 pa.

--Ads--

Pag-amin nito na ginusto niyang maging topnotcher ngunit dahil sa hirap ng exam ay hindi na ito umasa pa na maaabot niya ang hangarin niyang iyon.

Aniya, civil engineering dapat ang kukuhanin niyang kurso ngunit dahil sa naubusan siya ng slots ay kumuha siya ng Geodetic Engineering na natutunan naman niya umanong mahalin kalaunan.

Iniaalay naman niya ang kaniyang tagumpay sa panginoon at sa kaniyang pamilya na walang sawang sumuporta sa kaniya.

Kamakailan lamang kasi aniya ay inatake sa puso ang kaniyang ama kaya naman laking pasasalamat niya sa kaniyang mga tiyahin na tumulong sa kaniya para makapag tapos ng pag-aaral.

Pinayuhan naman niya ang lahat pangunahin na ang mga mag-aaral na patuloy na magsumikap at huwag sumuko sa mga hamon ng buhay para makamit ang tagumpay.