--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinahangaan ngayon ang isang bagong graduate na Criminology Student sa Echague Isabela dahil sa kanyang pagtulong sa nangangailangan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jerico Nico Malab, mula sa Dugayong, Echague Isabela sinabi niya na alas-9 na ng gabi habang papunta siya sa bayan ng San Mateo nang makita niya ang isang babae na nakasakay sa isang bisekletang may sidecar sa gilid ng lansangan sa bahagi ng Alicia at tila nangangailangan ng tulong.

Sa una ay nilagpasan lamang niya ito ngunit binalikan upang tanungin kung ano ang nangyari dahil dis oras na ng gabi.

Dito niya nalaman na may isang batang sakay ang babae at dadalhin sana sa ospital dahil maysakit.

--Ads--

Hinikayat ni Ginoong Malab ang babae na dadalhin niya ang mga ito sa ospital ngunit ayon sa babae madadala naman niya ang bata sa ospital ngunit wala umano siyang pera pambayad sa hospital bill.

Iginiit naman niyang tutulungan niya ang mga ito upang maipagamot ang anak nito at ibinigay ang perang pambayad sana niya sa criminology licensure examination.

Dahil madilim sa lugar at walang katao-tao saka motorsiklo lamang ang kanyang sasakyan ay pumara na lamang siya ng maaring magdala sa mag ina sa ospital.

Sakto namang napadaan ang isang tricycle kung saan siya nagpatulong upang dalhin ang mag-ina sa pinakamalapit na ospital.

Aniya malubha na ang lagnat ng bata nang kanyang makita at nasa delikadong lugar pa ang mga ito.

Nag-alala naman ang nanay dahil maiiwan ang kanilang bisekleta ngunit iginiit niyang wala nang kaso ito basta maitakbo lamang ang bata sa ospital.

Dahil sa ipinakitang kagandahang loob ni Ginoong Malab ay sinuklian ito ni Mayor Kiko Dy ng Echague, Isabela sa pamamagitan ng pagtulong din sa kanya na maituloy ang kaniyang pagsusulit.

Nagtapos si Ginoong Malab sa Isabela State University – Echague Main Campus at sa darating na Pebrero ay kukuha na siya ng Criminology Licensure Examination.