--Ads--

Pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sa pamamagitan ng Provincial Youth Development Office at Isabela Tourism Office, ang bagong Isabela E-Library na matatagpuan sa Isabela Museum and Library sa Lungsod ng Ilagan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Youth Development Office Head Rambo Baysac, sinabi niya na ang bagong youth space ay may 20 high-speed computers na may internet access at session timer upang masiguro ang patas na paggamit ng mga estudyante at iba pang nangangailangan nito.

Libre at madaling ma-access ng mga estudyante ang educational at research materials sa pamamagitan ng Tekno-Aklatan, na may malawak na koleksyon ng e-books at digital resources mula sa National Library of the Philippines.

Maaari ring ma-access dito ang iba’t ibang plataporma gaya ng Government Data Hub at Transparency Portal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela (PGI).

--Ads--

Ang bawat gagamit nito ay magkakaroon ng sariling username at pahihintulutan lamang na gumamit mula isang oras hanggang dalawang oras sa loob ng isang araw.

Titiyakin din na magkakaroon ng maayos at organized na paggamit ng bagong pasilidad upang masiguro na lahat ng estudyanteng gagamit ay mabibigyan ng pantay na pagkakataon.

May iba pang serbisyong ipagkakaloob gaya ng libreng printing, na limitado sa limang pahina kada araw.

Matatagpuan ang E-Library malapit sa mga institusyong may mataas na bilang ng kabataan gaya ng Isabela State University–Ilagan Campus, Isabela School of Arts and Trades, TESDA–Isabela School of Arts and Trades, at iba pa.

Ang pagbubukas ng E-Library ay bahagi ng month-long celebration ng Youth Month 2025 at International Youth Day, na pinangungunahan ng Provincial Youth Development Office.