
CAUAYAN CITY – Nagpalipas ng gabi sa quarantine facility ng pamahalaang lunsod ang bagong kasal sa barangay Nungnungan 2, Cauayan City matapos na lumabag sa minimum health protocols.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Public Order and Safety Division (POSD) chief Pilarito Malillin na kagabi ay umabot sa 25 ang kanilang nahuli sa barangay Nungnungan 2 dahil sa paglabag sa mga health protocols ng mga dumalo sa isang kasal.
Kabilang dito ang bagong kasal at kanilang mga magulang.
Iginiit aniya ng mga nagpakasal na nasunod naman ang mga minimum health protocols gaya ng social distancing, pagsusuot ng facemask at face shield ngunit nakita nilang may mga nag-iinuman, nag-uumpukan at naabutan pa sila ng curfew hours.
Hinamon niya ang barangay kapitan ng Nungnungan 2, Cauayan City na magpaliwanag dahil kung hindi ay magsasampa sila ng kaso.
Dinala sa triage area ng lunsod ang mga hinuli para matiyak na walang positibo sa kanila sa virus.




