
CAUAYAN CITY – Naglabas ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng Executive Order (EO) na naglalayong paigtingin pa ang pagmonitor sa mga pumapasok na baboy sa mga bayan at lunsod sa lalawigan.
Ito ay matapos magkaroon muli ng mga baboy na nagpositibo sa Afican Swine Fever ( ASF) sa mga bayan ng Quezon, Roxas, Aurora at Luna, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na ipagbabawal muna ang pagkakatay ng baboy ng mga backyard hog raisers sa mga barangay.
Batay sa isinagawang laboratory test sa blood samples ng mga baboy na naireport sa kanilang tanggapan ay lumabas na positibo ang mga ito sa ASF.
Umabot sa 575 na baboy ang isinailalim sa culling ng Provincial Veterinary Office at ng Department of Agriculture (DA) matapos magpositibo sa ASF.
Ayon kay Dr. Naui, nakakalungkot ito dahil kasalukuyan na ang kanilang testing sa mga lugar na may mga kaso noon upang tingnan kung negatibo na ang mga ito sa ASF ngunit nagkaroon ng bagong kaso sa ilang bayan sa Isabela.
Back to zero ngayon ang Provincial Veterinary Office at DA Isabela dahil sa mga bagong kaso ng ASF sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Naui, resistant ang ASF virus kaya mahirap mawala hindi tulad ng ibang sakit na hindi nagtatagal.
Hindi rin aniya gaanong mahigpit ang pagpapatupad sa mga naunang Executive Order hinggil sa pagmomonitor sa mga nagdaang panahon.
Ito ang dahilan kaya naglabas si Governor Rodito Albano ng EO #29 upang isagawa ang mas mahigpit na monitoring para mahadlangan ang ibayong pagkalat ng ASF.




