--Ads--

Pormal nang pinangunahan ni Nicholas Torre III ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bagong General Manager sa kanyang unang pagpupulong kasama si MMDA Chairman Atty. Don Artes at mga pangunahing opisyal nitong Lunes, Enero 5, upang malinawan ang kanyang tungkulin at itakda ang agarang prayoridad ng ahensya.

Ayon kay Artes, halos 70 hanggang 80 porsiyento ng mga operasyon ng MMDA ay direktang pamamahalaan ni Torre, na siyang magiging responsable sa pang-araw-araw na pagpapatakbo ng ahensya. Kasama sa kanyang tungkulin ang pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa, pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation at iba pang katuwang na ahensya, at pagbibigay linaw sa publiko bilang tagapagsalita ng MMDA.

Bagamat bago sa MMDA, nakalinya na ang karamihan sa mga programa ng ahensya. Tututok si Torre sa mga matagal nang suliranin sa Metro Manila, kabilang ang trapiko, pagbaha, at pamamahala ng basura. Nilinaw niya rin na pantay ang pagpapahalaga sa lahat ng tungkulin sa serbisyo publiko at hinihikayat ang mas maagang pakikilahok ng MMDA sa pagpaplano at monitoring ng mga proyekto upang masigurong maayos ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya.

Kasama rin sa tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng traffic enforcement, pag-aayos sa disiplina ng mga traffic enforcers, at mas mahigpit na imbestigasyon sa mga kapabayaan sa ilalim ng Special Investigation Office ng MMDA upang matiyak ang pananagutan ng mga tauhan.

Sa ilalim ng pamumuno ni Torre, tiniyak ng MMDA na ang operasyon ng ahensya ay magiging mas maayos, responsable, at nakatutok sa pangangailangan ng mga mamamayan sa Metro Manila.