--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng bagong OIC Regional Director ng Department of Trade and Industry o DTI Region 2 na tututukan ang mga maliliit na negosyante maging ang mga consumers.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Regional Director Winston Singun ng DTI Region 2 sinabi niya kanyang ipagpapatuloy ang dati nang ginagawa ng DTI lalo na ang pagprayoridad sa pag-angat ng mga micro small medium enterprises o MSMEs at pagpokus sa mga priority commodities na may competitive advantage.

Tiniyak din niya ang pagpapatuloy sa pagprotekta ng mga karapatan ng consumers sa pamamagitan ng pagbabantay at pagmonitor sa implementasyon ng fair trade laws.

Dahil ang DTI ang inatasan na magpatupad ng E-Commerce Law ay inaasahan na ang digitalization sa pagmarket ng mga produkto sa bansa.

--Ads--

Aniya patok na patok na sa bansa ang online business kaya kailangan na ring matutukan ng DTI upang maiwasan ang pagkascam ng mga consumers.

Nauna na ring inilunsad ng pamahalaan ang Philippine Creative Industry Development Act na layong linangin ang creative industry sa bansa dahil malawak ang sakop ng nasabing industriya.

Nakikitaan nila ng potensyal ang Animation at Games Development lalo na sa mga unibersidad para sa mga kabataang may angking talento sa creatives.

Aniya maraming matatalinong kabataan sa bansa na makikinabang sa nasabing batas dahil isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming gumagamit ng social media at mga online games.