Nagpaplano ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City na magpatayo ng sariling public hospital na kanilang pamamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi niyang tinatayang aabot sa ₱200 milyon ang kinakailangan upang makapagtayo ng isang ospital na may kapasidad na 25 katao.
Aniya, ang Development Fund ay ₱260 milyon, na medyo malapit sa kinakailangang halaga. Ngunit ang malaking hamon ay ang pondong kakailanganin para sa sahod, na aabot sa halos ₱120 milyon.
Dagdag pa ng Alkalde, kailangan ding kumuha ng karagdagang 113 empleyado para sa gagawing ospital. Binanggit ni Mayor Dy na hindi basta-basta makakagawa ng ospital kung hindi ito makapasa sa mga requirements ng Department of Health (DOH).
Sa ngayon, kasalukuyang pinag-aaralan ng LGU kung kaya nilang pondohan at patakbuhin ang kanilang sariling ospital.
Hindi nagbigay ng pangako si Mayor Dy at sinabi niyang susubukan lamang kung kakayanin, dahil malaking investment ang kakailanganin sa proyektong ito.











