--Ads--

CAUAYAN CITY – Pormal na nanungkulan ngayong araw, May 12, 2020 si PCol James Cipriano bilang bagong provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).

Pinalitan niya si PCol Mariano Rodriguez na dalawang taon na nanungkulan bilang pinuno ng IPPO mula noong Mayo 2018.

Isinagawa kaninang 8:30 ng umaga ang turnover ceremony sa  Multi-Purpose Hall ng IPPO at dinaluhan nina PBGen Angelito Casimiro, regional director ng Police Regional Office (PRO2) at BGen Pablo Lorenzo, commander ng 5th Infantry Division Philippine Army.

Dumalo rin sa  turnover ceremony ang ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan at mga mayor sa Isabela.

--Ads--

Si PCol Cipriano ay tubong Tuguegarao City,  Cagayan at dating  hepe ng  Regional Anti-Cybercrime Unit 2.

May bahaging naging emosyonal si PCol Rodriguez sa kanyang talumpati.

Inilahad niya ang mga naging hamon at pagsubok na pinagdaanan sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang panlalawigang direktor ng IPPO.

Binigyang-diin niya na narating niya ang kanyang puwesto at nakamit ang tiwala sa kanya ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Isabela dahil sa naging pagsisikap para makagawa ng matatag na pundasyon at social capital o mahusay na pakikisama.

Ang tinig ni PCol. Mariano Rodriguez

Matapos ang kanyang talumpati ay pinagkalooban ng Medal of Valor si PCol Rodriguez dahil sa mahusay na pamumuno at mga accomplishment o nagampanan sa panahon ng panunungkulan sa Isabela.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni PCol Cipriano si Gov. Rodito Albano sa pagbibigay ng tiwala at pagkakataon sa kanya na manungkulan bilang pinuno ng IPPO.

Inilatag niya ang kanyang ipatutupad na hakbang para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa Isabela at sa pakikiisa ng IPPO sa patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Ayon kay PCol. Cipriano, palalakasin niya ang mahigpit na kampanya sa internal cleansing sa hanay ng PNP.

Walang puwang aniya ang mga pulis na sangkot sa katiwalian dahil nagdudulot sila ng batik sa imahe ng PNP.

Ang tinig ni PCol James Cipriano