CAUAYAN CITY – Nag-courtesy call sa lahat ng mga Local Chief Executive at Philippine National Police (PNP) station sa lalawigan ng Isabela ang bagong talagang Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na si PCol. Lee Allen Bauding.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Bauding na ang pagdalaw niya sa lahat ng mga himpilan ng pulisya sa lalawigan ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang bagong Provincial Director.
Kasabay ng kanyang courtesy call at command visit ay nagkaroon din ng pagkakataon si Col. Bauding na makipagpulong kay 6th District Representative Inno Dy para sa talakayan ng mga concerns sa hanay ng pulisya.
Isa pa rin sa mga pangunahing mandato ng IPPO ay ang mapanatiling payapa at ligtas ang buong Lalawigan.
Binigyan din niya ng mandato ang bawat hepe ng himpilan ng pulisya na magkaroon ng mabilisang aksyon para maresolba ang mga naitatalang krimen
Tiniyak din nito na hindi lulubayan ng Cauayan City Police Station ang pagsisiyasat sa pinakabagong kaso ng shooting incident na ang mga biktima ay mag-asawang negosyante.
Maliban sa krimen ay tututukan pa rin ng IPPO ang operasyon kontra sa iligal na droga para mapanatili ng mga lunsod at mga munisipalidad ang pagiging drug free.
Pangunahin sa mga hakbang kontra sa iligal na droga ang mga seminars sa bawat barangay para maipalaganap ang masamang epekto ng iligal na droga sa kalusugan.
Pinaalalahanan din niya ang mga pulis sa lalawigan na naitalaga sa checkpoints na maging magalang sa mga motorista.
Tinig ni PCol. Lee Allen Bauding.