--Ads--

Ikinatuwa ng hanay ng Luna Police Station ang pagkaka-install ng mga streetlights sa kahabaan ng National Highway sa bayan ng Luna, Isabela, na malaking tulong umano sa pagpapabuti ng kaligtasan ng mga motorista at mamamayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi nito na napakalaking bagay na ngayon ay maliwanag na ang nasabing daanan, lalo na tuwing gabi.

Batay sa datos ng pulisya, simula nang maikabit ang mga streetlights noong huling linggo ng Disyembre, wala pa silang naitatala na malulubhang vehicular accident, partikular sa mga oras ng gabi sa kanilang nasasakupan.

Ayon pa kay PMaj. Ramos, napatutunayan na epektibo ang pagkakaroon ng maayos at maliwanag na ilaw sa kalsada upang makaiwas sa anumang insidente at aksidente sa lansangan.

--Ads--

Dagdag niya, ikinagagalak ng kanilang hanay ang naturang proyekto dahil inaasahang mababawasan na ang mga disgrasya na karaniwang nangyayari sa gabi, lalo na sa mga dating madidilim na bahagi ng highway.

Giit ng Luna Police Station, malaking hakbang ang pagkakaroon ng streetlights upang tuluyang mapababa ang bilang ng mga vehicular accident sa kanilang lugar at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.