Patuloy na iniimbestigahan ng 6th Infantry Division (ID) ang pagkamatay ng isang 22-anyos na bagong sundalo matapos itong mawalan ng malay sa isang tradisyunal na reception activity sa headquarters ng 6th Infantry Battalion (IB) noong Hulyo 30.
Si Private Charlie G. Patigayon, tubong Kolambugan, Lanao del Norte, ay nawalan ng malay habang isinasagawa ang pagtanggap sa mga bagong tropa.
Agad siyang isinugod sa Camp Siongco Hospital ngunit binawian ng buhay kinabukasan. Ayon sa paunang ulat, kidney failure ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon kay Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th ID ilang senior personnel ng 6th IB ang pansamantalang inalis sa kanilang mga posisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Reception ceremonies must be conducted with utmost regard for the health and safety of soldiers. Any breach of military policies will be met with disciplinary action” ani pa ni Lt. Col Orbon.
Nangako ang 6th IB na magbibigay ng tulong at escort sa pag-uwi ng mga labi ni Patigayon sa Lanao del Norte.
Kasalukuyan itong nasa mortuary ng Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.






