--Ads--

Ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang umano’y mga “ghost projects,” pagkaantala sa suplay, at posibleng overpricing sa loob ng Department of Health (DOH), at nanawagan ng mas mahigpit na pananagutan sa pamamahala ng pondo at serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Mayor Magalong, madalas na nahuhuli ang dating ng medical supplies mula sa DOH patungo sa lokal na pamahalaan ng Baguio, at ilan sa mga natatanggap ay malapit na sa expiration, dahilan upang hindi na magamit ng maayos.

Binanggit din ng alkalde ang umano’y sobrang mahal na pagbili ng mga medical equipment, kabilang ang endoscopy at CT scan machines, sa ilang pasilidad ng DOH gaya ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC), na aniya’y nararapat imbestigahan.

Ipinunto rin niya ang mabagal at umano’y substandard na konstruksyon ng ilang gusali sa loob ng ospital, na nakaaapekto sa kalagayan ng mga health worker at pasyente.

--Ads--

Samantala, nilinaw ni Mayor Magalong ang naunang pahayag ng DOH Secretary Teodoro Herbosa ukol sa guarantee letters, iginiit niyang patuloy pa ring nagbibigay ang Baguio LGU ng guarantee letters sa BGHMC upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyong medikal sa mga pasyente.