CAUAYAN CITY – Napanatili ng Bagyong Aghon ang lakas nito habang nasa coastal waters ng San Vicente, Northern Samar.
Napanatili ng Tropical Depression Aghon ang lakas ng hangin na aabot sa 55 km/h at pagbugsong aabot sa 85 km/h. Ito ay kumikilos pahilagang kanluran sa bilis na 30km/h.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng DOST PAGASA sa Echague, Isabela, sinabi niya na posibleng lumapit ang nasabing bagyo sa Lambak ng Cagayan bukas ng hapon, araw ng linggo.
Nanatili pa rin sa Signal Number 1 ang lalawigan ng Aurora, eastern portion ng Bulacan, northern at southeastern portion ng Quezon kabilang na ang Pollilo Islands, eastern portion ng Laguna, eastern portion ng Rizal, eastern portion ng Romblon, Marinduque, Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Masbate kabilang na ang Ticao at Burias Islands, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran, northern portion ng Leyte at extreme northern portion ng Cebu.