--Ads--

Patuloy na humina ang Tropical Depression Basyang at kasalukuyang nasa paligid ng Ayungon, Negros Oriental, ayon sa Tropical Cyclone Bulletin No. 21 ng State Weather Bureau na inilabas alas-11:00 ng gabi, Pebrero 6, 2026.

May taglay itong laksa ng hangin na 45 km/h malapit sa sentro at bugso na umaabot sa 60 km/h. Mabagal itong kumikilos pa-kanluran at inaasahang tatawid sa Negros Island Region ngayong gabi hanggang bukas ng madaling araw bago tumungo sa Panay Island o Panay Gulf. Inaasahan ding magiging low pressure area na ito sa loob ng 12 oras.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal number 1 sa kanlurang bahagi ng Leyte, kanlurang Southern Leyte, Bohol, Cebu, Siquijor, Negros Oriental, Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, Capiz, Aklan, at Antique.

Samantala, Northeast Monsoon ang magdadala ng malalakas na hangin sa Batanes, Babuyan Islands, Metro Manila, CALABARZON, Bicol, Mindoro, Romblon, Marinduque, Palawan, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao.

--Ads--

Dahil sa maalon at masungit na lagay ng karagatan pinapayuhan ang mga mangingisda at biyahero ng maliliit na bangka na huwag munang pumalaot.