CAUAYAN CITY – Napanatili ng bagyong Bebinca ang lakas nito habang kumikilos sa pahilaga sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa Tropical Cyclone Advisory Number 4 ng PAGASA, huling namataan ang Severe Tropical Storm Bebinca sa layong 1,975 km silangan ng Central Luzon at 1,930 km silangan ng Northern Luzon.
Napanatili nito ang lakas ng hangin na aabot sa 95 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 km/h.
Kumikilos ito pakanluran hilagangkanluran sa bilis na 25 km/h.
Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo bukas ng Hapon o Gabi at tatawagin itong Bagyong Ferdie.
Patuloy na nagdadala ng kaulapan at kalat-kalat na pag-ulan ang buntot o trough ng bagyo sa Eastern Visayas, Caraga, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.
Pinapalakas naman nito ang Hanging Habagat na nagdadala ng kaulapan at kalat-kalat na pag-ulan sa Palawan, Occidental Mindoro, Romblon, at nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas naman ng bahagyang maulap hanggap sa maulap na papawirin na may mga tiyansa ng mga kalat-kalat na pag-ulan.