Patuloy ang pagkilos ng Tropical Depression Crising sa direksyong kanluran-hilagang-kanluran habang nasa silangang bahagi ng Catanduanes, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA ngayong alas-4 ng hapon.
Ayon sa datos, namataan ang sentro ng bagyong Crising sa layong 625 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45km/h malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 55km/h.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20km/h pakanluran-hilagang-kanluran. Umaabot hanggang 280 kilometro mula sa sentro ang epekto ng malalakas na hangin ng bagyo.
Sa kasalukuyan, walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa alinmang bahagi ng bansa. Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang galaw ng bagyo at pinapayuhang maging alerto ang mga residente, lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan sa mga susunod na oras.











