--Ads--

Patuloy na humihina ang Super Typhoon Nando at inaasahang tuluyang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 265 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan.

Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 185 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na hanggang 230 kilometro bawat oras, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.

Nakataas ang Signal No. 3 sa Ilocos Norte, hilagang-kanlurang bahagi ng Apayao (Calanasan), hilagang-kanlurang bahagi ng Cagayan (Sanchez-Mira, Sta. Praxedes, Claveria), at kanlurang bahagi ng Babuyan Islands (Panuitan, Calayan, Dalupiri, Mabaag, Barit, Fuga).

--Ads--

Samantala, nasa ilalim ng Signal No. 2 ang Batanes, nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, hilaga at gitnang bahagi ng Cagayan, natitirang bahagi ng Apayao, Abra, Kalinga, bahagi ng Mountain Province, hilagang Benguet, Ilocos Sur, at hilagang bahagi ng La Union.

Nakataas naman ang Signal No. 1 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Maria Aurora), Ifugao, natitirang bahagi ng Benguet at Mountain Province, natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, hilagang Zambales, hilaga at gitnang bahagi ng Tarlac, at hilaga at gitnang bahagi ng Nueva Ecija.

Ayon sa PAGASA, tuluyan nang lalabas ng PAR si Nando ngayong umaga at patuloy na kikilos pa-kanluran patungong Southern China bukas, Setyembre 24. Inaasahan ding lalo pa itong hihina habang nasa ibabaw ng West Philippine Sea dahil sa hindi paborableng kondisyon sa paligid.

Samantala patuloy namang minomonitor ang isang low pressure area na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility na may mataas na tiyansa na maging isang bagyo o tropical depression sa susunod na 24 oras.