CAUAYAN CITY – Napanatili ng Severe Tropical Storm Nika ang lakas nito habang papalapit sa lalawigan ng Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 km silangan ng Infanta, Quezon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 km/h malapit sa gitna at pagbugong aabot sa 125 km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis ng 30 km/h.
Nakataas pa rin sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 sa northern at central portions ng Aurora partikular sa bayan ng Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Maria Aurora, at Baler, ang lalawigan ng Isabela, Quirino, southern portion ng Cagayan partikular sa bayan ng Solana, Iguig, Peñablanca, Tuguegarao City, at Enrile, ang lalawigan ng Nueva Vizcaya, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao.
Signal Number 1 naman sa nalalabing bahagi ng Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, Apayao, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, eastern at central portions ng Pangasinan, La Union, Benguet, nalalabing bahagi ng Aurora, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, northern portion ng Metro Manila, Rizal, northeastern portion ng Laguna, eastern portion ng Quezon kabilang ang Pollilo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at Albay.
Ayon sa PAGASA, posibleng maglandfall ang Bagyong Nika sa Lalawigan ng Isabela o Aurora bukas ng umaga o hapon. Tatawid ang nasabing bagyo sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon at posibleng nasa West Philippine Sea na ito bukas ng gabi.
Inaasahan namang lalakas pa sa Typhoon Category ang bagyo bago maglandfall. Gayunman, habang tinatahak nito ang kalupaan ay posibleng magkaroon ng bahagyang paghina ang bagyo.
Pinag-iingat at pinaghahanda naman ang publiko sa mga malalakas na hangin at ulan.