--Ads--

CAUAYAN CITY – Agad na nagsagawa ng clearing operation ang grupo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC para tanggalin ang mga natumbang puno ng kahoy na nakahambalang sa mga daan.

Dahil dito ay nakalusot kaninang alas sais ng umaga patungong Tuguegarao City ang dalawang bus na bumiyahe pa rin dahil maganda naman umano ang panahon sa Metro Manila.

Pangunahing pinuntahan ng clearing operation team ang Ilagan City hanggang Cabagan, Isabela na bahagi ng Northern Isabela na isinailalim sa signal no 4.

Ang naranasan sa Isabela na magdamag na malakas na hangin at may kalakasang ulan na dala ng bagyong Ompong ay nagdulot ng pagkatumba ng maraming punong kahoy, paglipad ng mga yero mula sa mga bahay at pagdapa ng maraming tanim na saging, palay, mais at gulay batay sa mga natanggap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa text messages ng mga tagapakinig mula sa iba’t ibang bayan sa Isabela.

--Ads--

Ang Isabela na ikalawang rice producer sa bansa ay mahigit 141,000 hectares ang nataniman ng palay. 78,000 dito ang nasa reproductive stage habang 21,000 hectares ang nasa maturity stage.

Nawala rin ang daloy ng koryente sa kasagsagan ng malakas na hangin dakong alas diyes kagabi.

Samantala, umabot sa  25, 635 na tao ang sapilitan at kusang lumikas sa mga evacuation centers sa ibat ibang bayan at lunsod sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni PDRRM Officer Edmund Guzman na bagama’t hindi direktang tumama sa Isabela ang bagyo na nagland fall na sa Baggao, Cagayan ay patuloy na binabantayan ang mga sitwasyon sa Isabela lalo na ang mga lugar na nasa coastal town ng Isabela kabilang ang Dinapigue, Divilacan, Palanan at Maconacon.

Samantala, hanggang kaninang alas nuebe ng umaga  ay  patuloy na nagpapalabas ng tubig ang Magat Dam sa Ramon, Isabela.

Ang water elevation ay 186.52 meters,  ang inflow ay 446 cubic meters per second o cms habang ang outflow ay 288  cms.

Isang gate ang nakabukas na may taas na isang  metro.