--Ads--

Lumakas na bilang isang Severe Tropical Storm ang bagyong Opong habang nasa Philippine Sea. Ayon sa huling ulat ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 670 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.

Taglay nito ang hanging may lakas na 95 km/h malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 115 km/h. Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.

Sa ngayon ang Signal No. 2 ay nakataas sa Northern Samar, at Hilagang bahagi ng Eastern Samar (mga bayan ng San Policarpo, Oras, Jipapad, at Arteche).

Signal No. 1 naman ay nakataas sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Samar, natitirang bahagi ng Eastern Samar, Biliran, at hilagang bahagi ng Leyte (kasama ang Barugo, San Miguel, Babatngon, Tacloban City, Calubian, Leyte, Capoocan, Carigara, at Palo).

--Ads--

Inaasahan na si Opong ay patuloy na kikilos pa-kanluran hilagang-kanluran papalapit sa Eastern Visayas at Southern Luzon. Ayon sa forecast, posibleng mag-landfall si Opong sa Bicol Region sa umaga o hapon ng Biyernes, Setyembre 26. Matapos nito, tatawid ito sa Southern Luzon at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado, Setyembre 27.

Habang nasa Philippine Sea, posibleng lumakas pa si Opong at maging isang ganap na typhoon bago ito tumama sa kalupaan. Kahit bahagyang hihina ito habang tumatawid sa lupa, mananatili pa rin ito bilang isang malakas na bagyo. Inaasahan din na muling lalakas si Opong pagkalabas nito sa West Philippine Sea.

Mahalagang tandaan na maaaring makaranas ng malalakas na ulan, hangin, at storm surge kahit ang mga lugar na hindi direktang dadaanan ng mata ng bagyo. Posible ring magbago ang direksyon ng bagyo, kaya manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso mula sa PAGASA o sa Bombo Radyo Cauayan.