Patuloy pang lumalakas ang Tropical Storm “Opong” habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa Philippine Sea.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 815 kilometro silangan ng hilagang-silangang Mindanao. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugso ng hangin na hanggang 105 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometro bawat oras pa-kanluran timog-kanluran.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga lalawigan ng Northern Samar, Eastern Samar, at Samar sa Visayas.
Inaasahang kikilos ang bagyo pa-kanluran hilagang-kanluran habang papalapit sa Eastern Visayas at Southern Luzon. Posibleng mag-landfall ang Opong sa Bicol Region sa hapon ng Biyernes, Setyembre 26, at tatawid sa Southern Luzon mula Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng umaga, Setyembre 27. Maaaring lumabas ito sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga, Setyembre 28.
Habang nasa Philippine Sea, inaasahang patuloy pang lalakas ang Opong at maaaring umabot sa typhoon category bago ito mag-landfall. Bagaman hihina ito habang tumatawid sa kalupaan, inaasahang mananatili itong isang typhoon o severe tropical storm. Mataas ang posibilidad ng muling pag-intensify ng bagyo paglabas nito sa West Philippine Sea.











