--Ads--

Opisyal nang itinaas sa tropical storm category ang Bagyong Paolo, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.

Huling namataan ang sentro nito sa layong 705 km silangan ng Infanta, Quezon, taglay ang maximum sustained winds na 65 km/h malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 km/h.

Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.

Sa kasalukuyan nakasailalim na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:

--Ads--

Mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, hilagang bahagi ng Zambales (Palauig, Masinloc, Candelaria, Santa Cruz), Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, hilagang bahagi ng Bulacan (Doña Remedios Trinidad, San Miguel, San Ildefonso), hilagang bahagi ng Pampanga (Magalang, Arayat, Candaba, Mabalacat City), hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar) kabilang ang Polillo Islands, at hilagang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga).

Inaasahang kikilos ang bagyong Paolo sa direksyong kanluran hilagang-kanluran sa mga susunod na oras. Ayon sa forecast track ng PAGASA, may mataas na posibilidad na mag-landfall ito sa Isabela o hilagang bahagi ng Aurora bukas ng umaga, Oktubre 3. Pagkatapos tumawid ng Northern Luzon, lalabas ito ng landmass at tutuloy patungong West Philippine Sea sa hapon ng parehong araw.

Maaaring lumihis pa ang track depende sa lakas ng high pressure area sa hilaga ng bagyo. Inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Sabado ng umaga, Oktubre 4.

Habang nasa loob pa ng Philippine Sea, inaasahang magpapatuloy ang paglakas ni Paolo at maaaring umabot sa severe tropical storm category sa madaling araw bukas. Bagamat hindi pa tiyak, hindi inaalis ang posibilidad na ito’y maging ganap na typhoon bago mag-landfall. Kapag nakalabas na ito sa West Philippine Sea, malaki ang posibilidad na tuluyan itong maging bagyo (typhoon).

Pinapaalalahanan natin ang publiko na hindi lamang ang mismong landfall area ang makakaranas ng malalakas na ulan, hangin, at posibleng storm surge. Inaasahan din ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bulubunduking lugar.

Patuloy na pinapayuhan ang lahat, lalo na ang mga nasa Region 2, Cordillera, at Ilocos Region, na maghanda, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, at bantayan ang susunod pang bulletin mula sa PAGASA at sa ating updates sa Bombo Radyo Cauayan.