--Ads--

Isa na ngayong tropical storm ang bagyong Ramil habang nasa Philippine Sea.

Ang sentro ng Tropical Depression Ramil ay namataan sa layong 305km silangan ng Juban, Sorsogon.Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 65km/h malapit sa gitna, at bugso ng hangin na hanggang 80km/h. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20km/h.

Sa kasalukuyan, Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa mga sumusunod na lugar sa Luzon:

Camarines Norte, Catanduanes, at ang hilagang bahagi ng Camarines Sur kabilang ang mga bayan ng Tinambac, Siruma, Goa, San Jose, Lagonoy, Garchitorena, Caramoan, at Presentacion.

--Ads--

Samantala, nakataas naman ang Signal No. 1 sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas. Kabilang dito ang mga lalawigan ng Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, silangang bahagi ng Bulacan, silangang bahagi ng Tarlac, silangang bahagi ng Pampanga, hilaga at silangang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands, natitirang bahagi ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Burias Island, at Ticao Island.

Sa Visayas, Signal no. 1 din ang Northern Samar, hilagang bahagi ng Eastern Samar, at hilagang bahagi ng Samar.

Inaasahang kikilos ang bagyong Ramil pa-kanluran hilagang-kanluran patungo sa Central at Southern Luzon. Batay sa forecast track, posible itong mag-landfall o dumaan malapit sa Catanduanes mamayang hapon o gabi. Sa pagpapatuloy ng kilos nito, tatahakin nito ang direksyong malapit sa Vinzons, Camarines Norte at Polillo Islands bukas ng umaga (Oktubre 19).

Bukas naman ng umaga o hapon, inaasahang liliko ito pa-hilagang kanluran at posibleng mag-landfall muli sa Aurora o Isabela. Matapos ang landfall, inaasahang tatawid ito sa mabundok na bahagi ng Northern at Central Luzon at lalabas ng West Philippine Sea bukas ng hapon o gabi. Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga.

May posibilidad din ng bahagyang paggalaw pa-hilaga o pa-timog ng bagyo, na maaaring magdulot ng pagbabago sa lugar ng landfall. Inaasahan ding lalakas pa si Ramil habang nasa Philippine Sea, at hindi isinasantabi ang posibilidad na maging isang severe tropical storm bago ito mag-landfall.

Habang tinatahak naman nito ang kalupaan, posibleng manatili ang lakas nito o bahagyang humina, ngunit inaasahan ang panibagong pag-intensify paglabas nito sa West Philippine Sea.

Pinapayuhan natin ang publiko na patuloy na maging alerto, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, at subaybayan ang mga susunod na ulat ng PAGASA at dito sa Bombo Radyo Cauayan.