--Ads--

Lalo pang lumakas at isa nang ganap na Super Typhoon ang bagyong Uwan bago pa man tumama sa hilagang bahagi ng Luzon.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 125 kilometro silangan-hilagang silangan ng Virac, Catanduanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 km/h at bugso na hanggang 230 km/h, habang kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Sa ngayon, isinailalim na sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 5 ang Polillo Islands, hilagang bahagi ng Camarines Norte, silangang bahagi ng Camarines Sur, at ang buong lalawigan ng Catanduanes. Nakataas naman sa Signal Number 4 ang silangang bahagi ng Quezon, natitirang bahagi ng Camarines Norte at Camarines Sur, pati na rin ang silangang bahagi ng Albay.

Nasa ilalim na rin ng Signal Number 3 ang katimugang bahagi ng mainland Cagayan (Tuao, Enrile, Solana, Tuguegarao City, Peñablanca, Iguig, Piat, Amulung), Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, katimugang bahagi ng Apayao (Conner), Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Metro Manila, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, natitirang bahagi ng Quezon, Marinduque, natitirang bahagi ng Albay, Sorsogon, Ticao at Burias Islands. Sa Visayas, kabilang ang Northern Samar, hilagang bahagi ng Eastern Samar, at hilagang bahagi ng Samar.

--Ads--

Nasa Signal Number 2 na ang natitirang bahagi ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, natitirang bahagi ng Apayao, Ilocos Norte, Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Islands, Oriental Mindoro, Romblon, at natitirang bahagi ng Masbate. Sa Visayas, kabilang ang natitirang bahagi ng Eastern Samar at Samar, Biliran, at hilaga at gitnang bahagi ng Leyte.

Under Signal Number 1 naman ang Batanes, Calamian Islands, at Cuyo Islands. Sa Visayas, kabilang ang natitirang bahagi ng Leyte, Southern Leyte, Bohol, hilaga at gitnang bahagi ng Cebu, Bantayan at Camotes Islands, hilaga at gitnang bahagi ng Negros Occidental, hilagang bahagi ng Negros Oriental, Guimaras, Iloilo, Capiz, Aklan, at Antique. Sa Mindanao, kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, hilagang bahagi ng Agusan del Norte, at hilagang bahagi ng Surigao del Sur.

Ayon sa forecast, inaasahang dadaan ang mata ng bagyo malapit sa Catanduanes ngayong umaga at posibleng mag-landfall sa Aurora ngayong gabi o bukas ng madaling araw. Maaaring maganap ang landfall sa pinakamalakas nitong estado, bago humina habang tumatawid sa kabundukan ng Northern Luzon. Pagkatapos nito, inaasahang lalabas ito sa Lingayen Gulf o baybayin ng Pangasinan o La Union bukas ng umaga, at tuluyang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes, Nobyembre 14.

Dahil sa lawak ng epekto ng bagyo, pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng kinakailangang paghahanda, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha, landslide, at storm surge. Mahigpit ding ipinapayo ang pagsunod sa mga abiso ng awtoridad para sa kaligtasan ng lahat.