Patuloy na binabantayan ng State Weather Bureau ang Severe Tropical Storm na si “Fung-Wong” sa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at pormal na papanangalanang “Uwan” sa oras ng pagpasok nito sa bansa. Dahil dito, itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng bansa.
Ang sentro ng Bagyong Uwan ay tinatayang nasa layong 1,175 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
May taglay itong lakas ng hangin na hanggang 110 km/h malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 135 km/h.
- Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Ang mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone wind Signal number 1 sa Timog-silangang bahagi ng Quezon (Tagkawayan, Guinayangan, Calauag, Lopez, Buenavista, Catanauan, Mulanay, San Narciso, San Andres, San Francisco)
- Silangang bahagi ng Romblon (Cajidiocan, San Fernando, Magdiwang), Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate
- Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Hilaga at gitnang bahagi ng Cebu kabilang ang Bantayan at Camotes Islands, Hilagang-silangang bahagi ng Bohol, Hilagang bahagi ng Negros Occidental, Hilagang-silangang bahagi ng Capiz at Iloilo, Dinagat Islands at Surigao del Norte.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring maranasan ang matinding pag-ulan, malalakas na hangin, at storm surge sa mga lugar kahit hindi direktang tatamaan ng sentro ng Bagyong Uwan. Ayon sa ahensya, posibleng magbago pa ang direksyon ng bagyo sa loob ng tinatawag na forecast confidence cone.
Sa susunod na 24 oras, inaasahang kikilos pa-kanluran ang Bagyong Uwan, bago ito lumihis pa-kanluran hilagang-kanluran sa natitirang bahagi ng forecast period. Inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong gabi o bukas ng madaling araw, Nobyembre 8.
Batay sa kasalukuyang track, posibleng mag-landfall ang bagyo sa katimugang bahagi ng Isabela o hilagang bahagi ng Aurora sa gabi ng Nobyembre 9 (Linggo) o madaling araw ng Nobyembre 10 (Lunes). Pagkatapos ng landfall, tatahakin nito ang kabundukan ng Hilagang Luzon at lalabas sa West Philippine Sea sa Lunes ng umaga o hapon.
Inaasahang mabilis ang pag-intensify ng Bagyong Uwan at maaaring umabot ito sa kategoryang typhoon sa loob ng 24 oras. Posible rin itong maging super typhoon sa gabi ng Sabado o umaga ng Linggo.
Maaaring mag-landfall ito sa pinakamalakas nitong estado. Bagamat hihina ito habang tumatawid sa Luzon, inaasahang mananatili pa rin itong typhoon habang nasa loob ng bansa.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at makinig sa mga opisyal na abiso mula sa PAGASA at lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.











