CAUAYAN CITY – Nasunog ang bahagi ng isang resto bar sa Rizal Park, Brgy. District 1, Cauayan City sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Enteng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Junior Dizon, Welder at isa sa nakakita sa pagsiklab ng sunog, sinabi niya na kasalukuyan silang nagtatrabaho sa ground ng gusali nang makaamoy sila ng usok at bigla na lamang nagliyab ang apoy sa ikalawang palapag ng gusali pangunahin sa loob ng isang resto bar.
Sinubukan naman nilang pasukin ang resto bar para sana apulahin ang apoy ngunit nahirapan sila dahil sarado at nakakandado ang pintuan.
Dahil dito ay tumawag na lamang sila sa Bureau of Fire Protection na agad namang rumesponde.
Sinira na lamang ang salamin na bintana ng resto bar upang makapasok ang mga bumbero at agad namang naapula ang sunog na nagsimula sa ceiling pangunahin sa ilaw ng resto bar.
Isa ngayon sa tinitingnang sanhi ng sunog ang wirings ng ilaw kung saan madaling nagliyab dahil sa nakalagay na sound absorbing panels sa bobida nito.