--Ads--

CAUAYAN CITY – Magtutulungan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at pamahalaang lokal ng San Mariano, Isabela para sa mabilis na pagsasaayos sa approach ng Minanga bridge na nasira kagabi sa kasagsagan ng pag-ulan dulot ng bagyong Falcon.

Ito ay nagdulot din ng paglikas ng ilang residente malapit sa nasirang approach ng tulay sa barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Ang tulay ay dinadaanan ng mga sasakyan mula sa Silangan at Kanlurang bahagi ng nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Reynato Obinia ng 2nd Engineering District Office, sinabi niya na gagawa sila ng detour bridge na dadaanan ng mga malalaki at mabibigat na sasakyan.

--Ads--

Ang pinapayagan lamang na dumaan ngayon sa Minanga bridge ay ang maliliit at magagaan na sasakyan.

Hiniling nila ang tulong ng San Mariano Police Station para maayos na pagdaan ng mga sasakyan sa naturang tulay.

Ang tinig ni Engr.Reynato Obinia

Inihayag naman ni Municipal Administrator Monico Aggabao na mahigpit na pagbabawalan na dumaan sa Minanga bridge ang mga malalaki at mabibigat na sasakyan.

Binantayan na simula kagabi ang bungaran ng tulay para hindi makadaan ang mga mabibigat na sasakyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Administrator Aggabao, sinabi niya na lumikas ang mga residente malapit sa lugar para maiwasan ang panganib.

Hindi aniya puwedeng dumaan sa tulay ang six by six truck na may laman ngunit puwede ang elf truck na walang karga.

Ang tinig ni Municipal Administrator Monico Aggabao

Photo credit: BFP San Mariano, Isabela