Nagdulot ng panibagong pangamba sa mga residente ang muling pagkaguho ng bahagi ng Sipat Bridge kasunod ng magkakasunod na pag-ulan sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reymund Salvador, mas naging delikado ang lagay ng tulay at maaaring magdulot ng aksidente kung hindi agad maaksiyunan ang pagkasira.
Giit niya, kung magpapatuloy ang sama ng panahon ay posibleng lumaki pa ang pinsala at magdulot ng mas malaking abala sa mga umaasa sa tulay para sa araw-araw na biyahe.
Ilang residente rin ang nagpahayag ng pagkabahala, lalo’t ngayong taon lamang ay gumuho rin ang kabilang bahagi nito at hanggang ngayon ay hindi pa ganap na naaayos.
Hiniling ng mga residente na agarang ayusin ang tulay upang maiwasan ang anumang disgrasya at hindi na madagdagan pa ang aberyang kinahaharap ng komunidad.
Kaugnay nito ilang kabahayan sa Brgy. District III ang lubog na sa baha, at umabot na hanggang kalahati ng bahay ng ilang residente ang tubig. Dahil dito, napilitang lumikas ang ilang pamilya patungo sa mas mataas na lugar habang patuloy pang tumataas ang antas ng tubig sa gitna ng walang tigil na pag-ulan.
Samantala, bilang tugon sa pangamba ng mga residenteng araw-araw na dumaraan sa Sipat Bridge, maglalagay ang pamahalaang lungsod ng rubbles sa nasirang approach ng tulay bilang pansamantalang solusyon.Samanatala,
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edward Lorenzo, City Engineer ng lungsod, naglabas na siya ng direktiba upang agad na kargahan ng rubbles ang butas sa approach upang maiwasan ang patuloy na pagguho at masiguro ang pagdaan ng mga motorista.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na rin ang kanilang tanggapan sa Regional Office at nagpadala na ng liham upang makahiram ng mga steel sheet na ilalagay sa ibabaw ng nasirang bahagi habang hinihintay ang permanenteng pagkukumpuni.
Tiniyak ni Lorenzo na hindi dapat mangamba ang publiko dahil ang nasirang approach ay hindi makakaapekto sa integridad at katatagan ng mismong tulay.
Aniya, nakabantay ang kanilang opisina at sinisiguro na agad nilang isasagawa ang kumpletong pagkukumpuni sa lalong madaling panahon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng naturang tulay.











