CAUAYAN CITY- Ang paglalaro ng posporo at kandila ng 4 anyos na bata ang itinuturong dahilan ng pagkasunog ng isang bahay sa Culalabat, Cauayan City. .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Brgy. Kapitan Ruel Rumbaua ng Culalabat , Cauayan City na isang 4 anyos na bata ang naglalaro ng posporo at nagsindi ng kandila.
Napaso ang bata at nabitawan ang hawak na kandila at nahulog sa isang mahabang foam na upuan na pinagmulan ng sunog.
Ang nasunog ay bahay ni Gng. Corazon Abad,70 anyos at residente ng nasabing lugar.
Ang dalawang palapag na bahay ay gawa sa hollow blocks sa baba nito at gawa naman sa kahoy ang itaas na bahagi nito.
Bagamat may kasamang umano ang bata na isang dalaga sa bahay ay nakatulog naman umano noong naglalaro ang bata.
Maswerte namang hindi nasunog ang buong bahay at walang nasaktan at nadamay sa naturang sunog.
Nanawagan si Punong-Barangay Rumbaua sa mga mamamayan na huwag hayaan ang mga bata na maglaro ng posporo o iba pang mga bagay na magsasanhi ng sunog.




