--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng mga kaso ang mga rebelde na pumasok sa bahay ng barangay kapitan at isang barangay kagawad ng Burgos, San Guillermo, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Chivalier Iringan, tagapagsalita ng Police Regional Office Number 2 (PRO 2), sinabi niya na magkasunod na pinasok ng mga rebelde ang bahay ng dalawang opisyal ng barangay.

Unang pinasok ng dalawang miyembro ng NPA dakong alas nuebe ng gabi noong Abril 5, 2019 ang bahay ni barangay kagawad Rolan Piscador, 34 anyos.

Natangay sa kanyang bahay ang Php16,000 na nasa kanyang belt bag at sinunog ang kanyang motorsiklo.

--Ads--

Binaril din ang kasama ng barangay kagawad na si Mariano Corpuz, 38 anyos na tinamaan sa kanyang balakang.

Dinala siya sa ospital at nasa mabuti nang kalagayan.

Dakong alas 9:30pm sa nasabing petsa ay pinasok din ng tatlong miyemro ng NPA ang bahay ni barangay kapitan Eliseo Miguel, 59 anyos ngunit nakapagtago siya.

Nagpaputok ang mga rebelde bago sila umalis nang hindi makita ang barangay kapitan na nakapagtago sa loob ng kanyang bahay.

Ang mga sinampahan ng kasong frustrated murder, attempted murder, arson, robbery, grave threat at trespass to dwelling ay sina Noly Gummallaui Sr., Noly Gummallaui Jr., Jimmy Agliam, Alberto Gummallaui, Ryan Gummallaui, Sherwin Macadaeg, Willy Baltazar, Alias “Ka Yuni”, Alias “Ka Regine”, Alias “Ka Niknik”, Alias “Ka Dindo”, Alias “Ka Eloy”, Alias “Ka Roan”, Alias “Ka Arki”, Alias “Ka Bang” and Alias “Ka Baylon”,pawang mga miyembro ng NPA na kumikilos umano sa San Guillermo, Isabela.