CAUAYAN CITY – Pinagbabaril ng hindi pa nakilalang suspek ang bahay at nagsisilbing headquarters ni 4th district Isabela Congressional Candidate Jeany Agustin Coquilla sa Barangay Batal, Santiago City kagabi.
Batay sa imbestigasyon ng Santiago City Police Office Station 4 ganap na ala-una na ng madaling araw nang ipabatid sa kanilang himpilan ang nasabing shooting incident.
Rumesponde ang mga kasapi ng pulisya sa lugar at nakita ang tatlong basyo ng bala ng hinihinalang kalibre kwarentay singko na baril.
Batay sa mga salaysay ng guwardiya ng bahay nagulantang umano sila ng makarinig ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril.
Ayon sa pulisya pahirapan ang pagtukoy sa mga suspek dahil hindi gumagana ang nakainstall na CCTV Camera sa harapan ng gate ng compound at wala ring nakakita sa pangyayari.
Natagpuan naman ang isang papel sa crime scene na may nakasulat na “ATRAS KA NALANG KUNG AYAW MONG MAY MASAMANG MANGYARI”.
Wala namang nasugatan sa pangyayari ngunit tinamaan ang bubong ng bahay at ang isang tricycle na nakaparada sa loob ng compound.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 4th district Isabela Congressional Candidate Jeany Agustin Coquilla sinabi niya naniniwala siyang pulitika ang dahilan ng pamamaril sa kaniyang bahay at headquarters.
Sinabi ni Congressional Candidate Jeany Coquilla na nanonood siya sa telebisyon nang mangyari ang insidente at nakita ang mga basyo ng bala sa harap ng kaniyang Headquarters at isang note.
Malabo aniya na kalaban sa negosyo ang gumawa nito sa kaniya dahil karamihan ng kaniyang negosyo ay nasa Metro Manila at wala rin umano siyang personal na kaaway.
Hihintayin na lamang aniya nito ang imbestigasyon ng mga pulis at makikipagtulungan na lamang siya kung kailangan.
Ibinahagi rin ng Congressional Candidate Coquilla na hindi ito ang unang pagkakataon na makatanggap siya ng pagbabanta na kaniyang naranasan naman noong nakaraang eleksyon.
Aniya may mga nanunuyo umano sa kanya mula nang magsimula siyang pumasok sa pulitika.
Maaaring bunga ito ng mainit na pagtanggap ng publiko sa kaniyang kandidatura.
Dahil sa pangyayari ay makikipag ugnayan siya sa COMELEC upang magkaroon ng mas malalim pang imbestigasyon sa nasabing insidente.