CAUAYAN CITY- Malungkot ang bungad ng taong 2025 sa Bayan ng Sto. Tomas, Isabela matapos na lamunin ng apoy ang isang two story house sa Barangay Centro, Sto. Tomas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO 3 Felipe O Ante ang firemarshall ng Sto. Tomas Fire Station sinabi niya na napakalungkot dahil naganap ang insidente sa mismong araw ng bagong taon.
Isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa kanila kaugnay sa naturang sunog na agad nilang nirespondehan.
Nang makarating sa lugar ay tumambad sa mga bumbero ang malaking apoy kaya humingi na agad ng tulong o augmentation mula sa BFP Delfin Albano at BFP Cabagan para apulahin ang sunog na umabot pa sa ikalawang alarma.
Batay sa kanilang pag iimbestiga na pag-alaman na mag-isang naiwan sa bahay si Ginoong Gaudencio Bagunu kapatid ng may-ari ng bahay na si Ginang Maria Aggabao.
Aniya natutulog ang biktima ng magising siya na nasusunog na ang kaniyang lumang electric fan .
Bumaba umano si Ginoong Bagunu para kumuha ng tubig para sana subukang apulahin ang sunog subalit malaki na ang apoy kaya hinila na ito palabas ng bahay ng kaniyang mga kapitbahay.
Tinatayang umabot sa humigit kumulang 300,000 pesos ang pinsalang iniwan ng sunog.
Paalala ngayon ng BFP sa publiko na maging ang maliliit na bagay na nakakaligtaas ay maaaring pag-mulan ng sunog.
Umaasa naman sila na hindi na masusundan pa ang nasabing pangyayari.