--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilooban ng magnanakaw ang isang bahay sa Barangay Marabulig 1, Cauayan City kung saan tinangay nito ang makina ng refrigerator at aircon.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Kap. Jaime Partido, ang Punong Barangay ng Marabulig 1, sinabi niya na nagtungo sa barangay hall si Joselito Canales, ang may-ari ng bahay, upang ipagbigay alam ang pangyayari.

Wala umanong tao sa lugar na nagbabantay dahil bihira lang namamalagi doon ang mga biktima, kaya posible umano na inaral ng suspek ang pasikot sikot sa bahay

Hindi naman umano ito ang unang pagkakataon na nanakawan ang mga biktima dahil nawalan na umano sila ng bisikleta noong kasagsagan ng pandemya.

--Ads--

May kalayuan kasi aniya sa mga kabahayan ang nanakawang bahay at nag-iisa lang ito kaya walang nakapansin sa nangyaring pagnanakaw.

Sa ngayon ay mayroon ng pinaghihinalaan ang mga biktima kung sino ang nanloob at nagnakaw sa kanilang bahay dahil napansin umano ng isang gwardya na may umaali aligid sa bahay bago mangyari ang krimen.

Sa ngayon ay gumagawa na ng aksyon ang pamunuan ng barangay upang hindi na maulit pa ang nasabing krimen.

Pinamamadali na umanong ipa install ang mga CCTV camera upang matakot na ang mga magnanakaw.