--Ads--

Isang baka sa Brazil ang nakapagtala ng Guinness World Records matapos itong maibenta sa halagang 26 million Brazilian real (humigit-kumulang P280 million) sa isang auction sa Minas Gerais.

Ang baka, na pinangalanang Viatina-19, ay isang Nelore breed at tumimbang ng 1,101 kilo, doble sa karaniwang bigat ng ganitong uri.

Dahil sa pambihirang sukat at kalidad, ito na ang pinakamahal na baka na naibenta sa kasaysayan.

Bukod sa laki at bigat, si Viatina-19 ay kinilala rin dahil sa pambihirang breed nito. Mayroon itong maganda at malakas na pangangatawan at kaya nitong makatagal sa napakainit na klima.

--Ads--

Dahil sa natatanging genetic makeup nito itinanghal siyang “Miss South America” sa isang prestihiyosong kompetisyon ng mga baka.

Dahil dito, tumaas ang demand para sa kanyang embryos, na ginagamit sa breeding programs sa iba’t ibang bansa.

Ang Nelore breed ay nagmula sa India at kilala sa kakayahang mabuhay sa mainit na kapaligiran.

Dahil dito, ito ang ­pangunahing lahi ng baka sa Brazil at patuloy na ­lumalawak ang pag-aalaga nito sa iba’t ibang bansa tulad ng Argentina, Mexico, at United States.

Sa patuloy na pagtaas ng demand sa breed na ito, hindi malayong magkaroon pa ng mas mataas na bentahan sa hinaharap.