--Ads--

CAUAYAN CITY – Binuksan na ang karagdagang pasilidad na kaloob ng pamahalaang lunsod ng Santiago City sa mga Person Under Investigation (PUI) na nakalagak sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joseph Tan, sinabi niya na tuluyan ng binuksan ng lokal na pamahalaan ng lunsod ang bakanteng pasilidad ng Balay Sagipan na matatagpuan sa Barangay Balintocatoc upang maging pansamantalang pasilidad ng mga PUI na dinadala sa SIMC.

Ayon sa punong lunsod, malawak ang nasabing pasilidad na may labinlimang silid gayundin na maayos ang mga kasangkapan.

Okupado na ang 43 silid na nakalaan sa mga PUI sa SIMC kaya agad na nagkaroon ng apat na pasyente na naghihintay na lamang ng resulta ng kanilang test sa nasabing pasilidad.

--Ads--

Mayroon ng doktor at nurses mula sa SIMC at ilang volunteer nurse na sumusuri sa mga kalagayan ng mga nasabing PUI.

Ayon pa kay Mayor Tan, may sapat na suporta ang lahat ng mga sumusuri sa mga PUI sa SIMC maging sa Barangay Sagipan na kinabibilangan ng protective visors, gloves, masks, alcohol, at protective safety suit.

Sinigurado din niya na regular na mabibigyan ng suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ang mga pasyente gayundin ang mga health workers sa nasabing pasilidad upang matiyak ang kalusugan at kondisyon ng mga ito.