
CAUAYAN CITY – Muling nanindigan si Governor Rodito Albano na ipagpatuloy ang Balik-Probinsiya Program sa kabila ng pagtaas ng mga COVID-19 positive sa Isabela.
Ito ay kasunod ng pagsuspindi ni Mayor Joseph Christian Ninio Uy ng Aurora, Isabela sa naturang programa dahil sa mga naitalang apat na kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan at puno na ang kanilang mga quarantine facilities.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na hindi puwedeng suspindihin ang Balik-Probinsiya Program dahil bukod sa nasa guidelines ito ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay hindi puwedeng pabayaan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at Locally Stranded Individuals (LSIs).
Aniya, nanggaling sa ibang lugar ang mga nagpopositibo sa Isabela at ang mahalaga ay naagapan at nagagamot sila.
Ayon kay Gov. Albano, ang kailangan na gawin ngayon ay mag-ingat at higpitan ang pagbabantay sa mga checkpoint sa mga lugar na papasok sa lalawigan.
Bukod dito ay dapat ding sumunod sa panuntunan ang mga mamamayan gaya ng pagsusuot ng facemask, pagsunod sa social distancing at pagiging malinis sa katawan.
Sinabi pa ni Gov. Albano na nasa mga mayor sa Isabela kung sususpindihin nila ang naturang programa subalit kung may quarantine facilities sa kanilang bayan ay dapat na ilagay dito ang mga umuuwing OFWs at LSIs.










